
Naipalabas na ng Senado ang mga subpoena para sa mga isinasangkot sa maanomalyang flood control projects para sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa Lunes, January 19.
Ang mga subpoena ay para kina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, dating Cong. Zaldy Co, Commission on Audit (COA) Commissioner Mario Lipana, dating Special Envoy to China Maynard Ngu at dating Education Usec. Trygive Olaivar.
Nilagdaan ni Senate President Tito Sotto III ang mga subpoena na naipadala na sa mga nabanggit na mga dating opisyal.
Kapag hindi naman sumipot sa Lunes ang mga ito ay maaari silang ipa-contempt, iisyuhan ng show cause order o pagpapaliwanagin kung bakit hindi sila dapat i-contempt.
Samantala, kinumpirma ni Sotto ang pagpapadala ng imbitasyon para kay Batangas Representative Leandro Leviste na idinaan kay House Speaker Faustino Dy.










