Mga personalidad na sangkot sa POGO, dapat kasuhan na agad ng DOJ bago sila makatakas din

Iginiit ni Parañaque Second District Representative Gus Tambunting sa Department of Justice (DOJ) na kasuhan na kaagad ang mga personalidad na sangkot sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.

Sa nakaraang pagdinig ng Quad Committee ay binigyang diin ni tambunting na kailangang bilisan ng DOJ ang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso dahil baka makatakas na naman ang mga nasa likod ng ilegal POGO katulad ng pagtakas ni dating Mayor Alice Guo, kanyang kapatid at Cassandra Ong.

Bilang tugon ay sinabi ni DOJ Provincial Prosecutor Ramoncito Ocampo Jr. na bumuo na sila ng panel of prosecutors para sa case build up kaya asahan na sa lalong madaling panahon ay makakapagsampa na sila ng kaso.


Binanggit ni Ocampo na mayroon na ring testigo ang DOJ na may personal na kaalaman ukol sa mga isinagawang pagpatay, torture, at prostitusyon sa loob ng compound of Lucky South 99 sa Porac, Pampanga na sinalakay ng mga awtoridad.

Facebook Comments