Pinaalalahanan ng Joint Task Force COVID Shield ang mga mamamahayag na huwag pansinin at bigyan ng media exposure ang mga personalidad na tahasang lumalabag sa mga ipinatutupad na quarantine protocols.
Ito’y kasunod ng naging ambush interview sa abogadong si Atty. Larry Gadon kung saan kinukuwestiyon nito ang umiiral na regulasyon kaugnay sa pagsunod sa minimum health safety standard protocol kagaya ng pagsusuot ng face masks at face shield dahil sa banta ng COVID-19.
Ayon kay JTF COVID Shield Commander Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar, mas nagiging mahirap para sa pamahalaan ang pagpapatupad ng safety protocols para maiwasan ang COVID-19 dahil sa mga iresponsableng pahayag.
Matatandaang nag-viral sa social media si Gadon matapos lumabas ang kaniyang larawan na hindi nakasuot ang kaniyang face mask at sa halip ay nakadikit lamang sa face shield.
Paliwanag ni Gadon, hindi siya naniniwala na dahil sa pagsusuot ng face mask at face shield ay maiiwasan na ang pagkalat pa ng COVID-19.