Bumuhos ang pakikiramay ng ilang personalidad sa pagpanaw ni dating Senador at dating Manila Mayor Alfredo Lim.
Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na maaalala si Lim sa kaniyang naging matapang na paglaban sa kriminalidad at droga noong alkalde pa ito ng Maynila.
Bukod sa Palasyo, nagpaabot din ng pakikiramay si Manila Mayor Isko Moreno at dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada.
Ayon kay Estrada, naging magkatunggali man sila sa pulitika, iisa lamang ang kanilang hangarin na mabigyan ng magandang buhay ang mga kababayan partikular ang mga residente ng lungsod.
Sa Facebook live ni Moreno, inihayag niyang isinarado muna nila ang ilaw ng clock tower ng City Hall bilang pagbibigay respeto sa yumaong alkalde.
Ayon kay Moreno, simbolo rin ito ng paggalang at pagpapahalaga sa isang taong naglingkod sa bayan sa loob ng mahabang panahon.
Ang 90-anyos na dating alkalde ay nasawi kahapon ng tanghali, August 08, 2020 habang nakikipaglaban sa COVID-19.