Kinilala ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga crew ng maritime safety service command o mas kilala bilang Task Force Kaligtasan sa Karagatan, matapos ang kauna-unahang paglalagay buoy o boya sa West Philippine Sea.
Dumaong sa Pier 13 ang dalawang assets ng PCG, na BRP Corregidor at BRP Bjeador para tumanggap ng pagkilala mula mismo kay PCG Commandant Admiral Artemio Abu.
Ayon kay Commodore Armand Balilo, ang tagapagsalita ng Coast Guard, maituturing na kasaysayan ang naturang buoy laying operations ng PCG dahil maliban sa magsisilbi itong marka para sa mga mangingisda, sumisimbulo rin ito na palatandaan na pagmamay-ari ng Pilipinas ang mga lugar na pinaglagyan ng mga bouy.
Ito rin ang kauna-unahan na nagkasa ng arrival ceremony ang PCG sa kanilang mga tauhan kung saan tinatayang nasa 300 personnel ang nakilahok sa paglalagay ng boya.
Nabatid na ang buoy o boya ay isang floating marker na may pailaw na nagsisilbing gabay sa mga sasakyang pandagat na dumadaan o habang nasa laot kung saan nasa lima ang inilagay ng PCG sa West Philippine Sea.