Pinuri ni Senator Joel Villanueva ang hakbang ng gobyerno na gawin ding vaccination sites ang ilang piling botika kung saan mga pharmacist ang magtuturok ng bakuna.
Kumbinsido si Villanueva na mainam itong paraan upang maiangat ang bilang ng bakunadong mamamayan laban sa COVID-19.
Kaugnay nito ay hiniling ni Villanueva na mabigyan din ng benepisyo ang mga nagtatrabaho sa mga pribadong botika na magsisimula nang magbakuna kontra COVID-19.
Giit nito, katulad ng mga healthcare workers ay dapat ding tumanggap ang mga magbabakunang pharmacist ng Special Risk Allowance o SRA at iba pang benepisyo sa ilalim ng 2022 national budget at iba pang mga kaugnay na batas.
Punto ng opisyal, kapag sila ay tinamaan ng COVID habang nagbabakuna, dapat din ay may free medical care sila at monetary compensation.
Tinukoy ni Villanueva ang nakasaad sa 2022 General Appropriation Act na ang healthcare workers na tatamaan ng COVID-19 habang on duty ay makakatanggap ng ₱15,000 bilang compensation para sa mild o moderate cases, ₱100,000 para sa severe o critical at ₱1 million kung ikakamatay ito.