Mga piling tao ni PNoy makakatulong para makaahon ang bansa sa krisis -Senator Lacson

Nakakasiguro si Partido Reporma standard-bearer Sen. Panfilo “Ping” Lacson na makakatulong ang ilan sa mga miyembro ng gabinete ni dating Pangulong Noynoy Aquino para maibangon ang lugmok na kalagayan ng bansa ngayon.

Sa pamamagitan ng kanyang Twitter account, tinukoy ni Lacson ang mga partikular na personalidad na siguradong mayroong kongkretong maiaambag para manumbalik ang sigla ng Pilipinas dahil naging maayos ang pagganap nila sa tungkulin at responsibilidad.

Kabilang dito sina dating Cabinet at Energy Secretary Rene Almendras, dating Department of Public Works and Highways (DPWH)Secretary Rogelio “Babes” Singson at si Juan Santos na namuno noon sa Social Security System (SSS).


Tinukoy din ni Lacson si dating Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares, si Herminio “Sonny” Coloma na namuno noon sa Presidential Communications Operations Office (PCOO) at si dating National Economic and Development Authority (NEDA) Head Arsenio Balisacan.

Ang mga nabanggit na opisyal ay nakatrabaho ni Lacson sa gobyerno nang siya ay maitalaga bilang Presidential Adviser for Rehabilitation and Recovery mula noong huling bahagi ng 2013 hanggang unang yugto ng 2015.

Samantala, ngayong araw ay muling magbubukas ang session sa Senado kaya dito na muna tutok si Lacson at ang katandem niya sa 2022 elections sa pagkabise presidente na si Senate President Tito Sotto III.

Facebook Comments