Malaking porsyento ng mga Pilipino ang handang bumiyahe sa mga local tourist destination sa bansa sa kabila ng COVID-19 pandemic.
Sa budget hearing ng Department of Tourism (DOT) sa Kamara, sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na batay sa kanilang travel survey, 77% ng mga Pilipino ang ‘willing’ o handang bumiyahe sa mga tourist spots sa bansa kahit wala pang available na COVID-19 vaccine.
Nasa 48% naman ng mga Pilipino ang nagsabing babiyahe na sila sa loob ng anim na buwan matapos na luwagan ang mga travel restriction.
Samantala, naglaan naman ng P6 billion ang DOT para sa tourist enterprises and businesses na apektado ng pandemya, P3 billion naman na cash for work program para sa mga displaced tourism-workers sa ilalim ng Bayanihan 2 at P100 million naman na ayuda para sa mga community at regional tour guides.
Aabot naman sa P250 million ang alokasyon para sa tourism circuit marketing para palakasin ang domestic tourism at promotion ng mga produkto.
Para sa taong 2021, P3.520 billion ang pondo ng DOT kung saan pinakamalaki ang inilaan sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) na P2.868 billion habang P648 million naman sa personnel expenses.