Nagbabala si Senador Imee Marcos na malaking perwisyo ang hinaharap ng mass vaccination program ng pamahalaan kontra sa COVID-19 dahil sa mataas na bilang ng mga Pinoy na nag-aatubiling magpabakuna.
Kaya giit ni Marcos, dapat unahin ngayon na kumbinsihin ang mga Pilipino na magpabakuna ng alinman sa mga COVID-19 vaccine na aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).
Mungkahi ni Marcos na gamitin ang panahon na naaantala ang bakuna at himukin ang lahat na magpaturok para sa kalusugan at kaligtasan ng ating mga pamilya at mga kaibigan.
Ipinunto ni Marcos na nababalisa ang marami dahil sa posibleng side effects pero minimal at bihira lang naman at mas mapanganib ang banta ng impeksyon o virus dahil ito’y nakamamatay.
Diin ni Marcos, mabibigo ang kahit anong planong pagbabakuna kung 46% hanggang 47% ng mga Pilipino ang duda o ayaw sa kahit anong COVID vaccine.
Sabi ni Marcos, kailangan ng pamahalaan ng mas agresibong information campaign na kalahok ang mga kilalang influencer mula sa sektor ng kalusugan maging sa showbiz.
Pwede ring magbigay ng mga insentibo ang nasa pribadong sektor sa kanilang mga empleyado habang nirerespeto pa rin ang kalayaan na magdesisyon kung magpapabakuna o hindi.