Iginiit ng Malacañang na hindi maaaring magtago na lamang ang lahat mula sa COVID-19 pero sa halip ay kailangang mamuhay kasama ito habang niluluwagan ng pamahalaan ang restrictions at muling pagbuhay sa ekonomiya.
Ito ang pahayag ng Palasyo matapos lumabas sa resulta ng isang survey na mayorya ng mga Pilipino ang nagsasabing sapat ang ginagawang hakbang ng pamahalaan para matugunan ang pandemya pero nakukulangan sa ibinibigay na tulong sa mga nawalan ng trabaho.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang muling pagbubukas ng ekonomiya ay layong pasiglahin muli ang pagnenegosyo at kabuhayan ng mga tao.
“Ito ang dahilan kung bakit binubuksan ang ekonomiya dahil naniniwala tayo na kailangan matututo ang mga Pilipino na mabuhay bagama’t nariyan ang COVID 19. Hindi pupuwedeng magtago tayo sa kweba habang may COVID-19 tulad ng gusto ng ilan,” Roque said during a televised press briefing.
Sinabi rin ni Roque na alam na ng pamahalaan ang tungkol sa virus at ang paraan kung paano maiiwasan ang pagkalat nito.
Kabilang ang pagpapalakas ng health care resources kabilang ang health workers, protective gear at hospital bed capacity.
Agresibo rin ang kampanya para sundin ng publiko ang health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay at pagsunod sa physical distancing.
Nagpapasalamat ang Palasyo sa publiko sa pagtulong sa pamahalaan sa laban nito sa pandemya.