Kailangang matuto ang mga Pilipino na “sumayaw” o mamuhay sa gitna ng COVID-19 pandemic kasabay ng muling pagbubukas ng ekonomiya at pagbabalik ng kabuhayan ng halos karamihan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kailangang magpatuloy o umusad ang buhay ng bawat Pilipino kasabay ng pagpapalawak ng testing, tracing at treatment program ng pamahalaan.
Mahalagang manatiling buhay at malusog ang pangangatawan para malabanan ang pandemya.
Muli ring nanindigan si Roque, na nananalo na ang Pilipinas sa paglaban nito sa pandemya dahil sa mababang fatality rate at case positivity rate.
Bagamat aminado siya na patuloy na lolobo ang kaso habang walang gamot o bakuna sa sakit, hindi dapat aniya ito ikabahala basta sinusunod ng mga tao ang health protocols.
Muling nagpaalala ang Malacañang sa publiko na tumulong sa pamahalaan na pabagalin ang pagkalat ng COVID-19.