Tiwala si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na malaki ang pakinabang ng mga Pilipino sa ginaganap na 31st Asia-Pacific Parliamentary Forum (APPF) sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.
Ayon kay Romualdez, hindi lamang nakatutok sa isyu ng tensyon sa West Philippine Sea ang APPF kundi pagtitibayin din dito ang mga posisyon sa iba’t ibang interes at kooperasyon tulad sa sektor ng turismo, pamumuhunan, edukasyon, kultura at iba pang magpapasigla sa relasyon ng mga bansa.
Sa kanyang mensahe sa APPF ay iginiit ni Romualdez ang kahandaan ng Pilipinas na makipagtulungan sa mga regional at global partners nito para sa isang rules-based order at maituloy ang pag-uusap sa mga hindi pagkakaintindihan.
Muli ring pinagtibay ni Romualdez ang pangako ng Pilipinas sa UN-centered multilateralism sa pandaigdigang pamamahala at ang mga prinsipyo ng sentralidad ng ASEAN at mga organisasyong pang-rehiyon.
Hiniling din ni Romualdez sa mga kasaping bansa sa APPF na magkatuwang na tugunan ang transnational crimes kasama ang trafficking in persons, lalo na ng mga kababaihan at kabataan.
Nanawagan din si Romualdez sa mga mambabatas sa Asia-Pacific na pagtulungang solusyunan ang mga problemang kinahaharap ng rehiyon lalo na ang kahirapan ng nasa 4.8 bilyon nitong mamamayan.