Aminado ang Department of Health (DOH) na may “pandemic fatigue” o napapagod na sa pagsunod sa minimum public standard ang publiko.
Ayon kay Dr. Beverly Ho, Director IV ng DOH-Health Promotion Bureau, hindi pa maaaring bumitaw ang publiko dahil hindi pa tapos ang pandemya.
Aniya, nakalamang na ng kaunti ang gobyerno at publiko sa pagtugon sa COVID-19 pero nag-mutate naman ang virus.
Giit pa ni Ho, hindi lang dapat isisi sa gobyerno o publiko ang pagsirit ng kaso ng COVID-19 dahil ito ay compounding event na kinakailangan ng tulong ng lahat.
Sinabi naman ng Psychologist na si Randy Dellosa na tumaas pa sa 3.6 million Pilipino ang nakakaranas ng mental health issue bunsod ng “pandemic fatigue”.
Sa katunayan aniya ay tumaas ang natatanggap nilang tawag na humihingi ng tulong at puno na rin ang schedule ng mga konsultasyon.
Paliwanag ni Dellosa, marami na sa ating kababayan ang napapagod na physical, mental, at emotional sa pagsunod sa “new normal.”