Mga Pilipino sa ibang bansa na nasa death row ngayon, umaabot na sa 83

Umaabot na ngayon sa 83 na mga Pilipino sa ibang bansa ang nakapila sa parusang kamatayan.

56 sa mga ito ay nasa Malaysia, 6 sa United Arab Emirates, 5 sa Saudi Arabia at 15 ay nasa mga bansang Bangladesh, China, Vietnam, United States, Japan at Brunei.

Ang impormasyon ay inihayag ni Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Paul Cortez sa pagdinig ng House Committee on Overseas Workers Affairs.


Sabi ni Cortez, kasama rito si Mary Jane Veloso na naudlot ang nakatakdang pagbitay noong April 2015 dahil sa pagbibigay niya ng testimonya laban sa kanyang mga recruiter na umano’y nanloko at nagsangkot sa kanya sa drug trafficking.

Binanggit ni Cortez na pinal na ang death penalty cases ng 56 na Pilipino sa Malaysia at tanging ang paggawad na lang sa kanila ng pardon ang inaasahan ng ating pamahalaan para sila ay makaligtas.

Ayon sa DFA, nasa 1,267 naman na mga Pilipino ang nakakulong dahil sa iba’t ibang kaso habang 2,104 ang nahaharap din sa mga kaso pero malaya.

Samantala, binanggit din ng DFA na noong 2022 ay umabot na sa 288.5 million pesos ang nagastos ng gobyerno sa pagpapauwi sa labi ng 1,450 na mga nasawing Overseas Filipino Workers.

Kabilang dito ang mga nasawi dahil sa COVID-19 at iba pang sakit, mga biktima ng aksidente at ang iba ay biktima ng krimen.

Facebook Comments