Pinayuhan ng Embahada ng Pilipinas sa Libya ang mga Pilipino na manatili sa loob ng kanilang tahanan matapos ang nangyaring pag-atake sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Una nang napaulat ang muling pagsiklab ng kaguluhan sa pagitan ng magkalabang partido sa Libya matapos ang ginawang pag-atake sa airport sa Tripoli saka pinasabog ang mga jet fuel tanks at nadamay pa ang ilang eroplano.
Sa inilabas na pahayag ng embahada, pinapalalahanan nila ang mga Pinoy na nasa o malapit sa pinangyayarihan ng pagsabog na manatili sa loob ng kani-kanilang mga bahay o kaya ay lumikas na at magtungo sa mas ligtas na lugar.
Dahil sa patuloy na karahasan, nananawagan muli ang embahada sa mga Pinoy sa Tripoli na manatiling alerto at siguraduhin ang kanilang kaligtasan.
Ang iba namang Pinoy na naapektuhan dahil sa nangyaring kaguluhan ay pinayuhan din na makipag-ugnayan sa embahada para agad na malaman ang kanilang sitwasyon.
Naglagay naman ng malaking watawat ng bansa ang Embahada ng Pilipinas sa kanilang bisinidad para makaiwas sa mga posibleng drone strike.
Base sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA), nasa 2,300 ang kabuuang bilang ng mga Pinoy sa Libya.