Nag-abiso na ang embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia na hindi na papapasukin sa mga mall ang mga hindi pa bakunado ng COVID-19 vaccine.
Nagpasya na kasi ang mga awtoridad sa Saudi Arabia na simula sa Agosto a uno ay ipagbabawal na ang pagpasok ng mga hindi nabakunahang indibidwal sa mga mall.
Una nang ipinaalam sa Philippine Consulate General sa Jeddah, Kingdom of Saudi Arabia sa embahada na magiging requirement na para pahintulutan na bumisita o pumasok sa mga mall ang mga inidibwal na nakatanggap na ng unang dose ng bakuna laban sa COVID-19.
Patuloy na babantayan ng mga awtoridad ang pagsunod sa mga pag-iingat laban sa COVID-19 at mga direktang paglabag.
Pinayuhan ng Embahada ang mga Filipino sa Jeddah at Western Region ng Saudi Arabia na sumunod sa mga patakaran at regulasyon ng gobyerno ng Saudi Arabia, at sundin ang mga hakbang na itinakda ng Kaharian upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.