Mga Pilipino sa UK, pwede pa ring pumasok sa Pilipinas pero dadaan sa quarantine at testing – BI

Nilinaw ng Bureau of Immigration (BI) na papayagan pa ring makapasok sa Pilipinas ang mga Pilipinong magmumula sa United Kingdom pagkatapos ng December 24 pero kailangang dumaan sa COVID-19 testing at quarantine.

Matatandaang ipinag-utos ng pamahalaan na suspendihin ang flights mula sa UK mula December 24 hanggang 31, 2020 sa harap ng bagong varian ng coronavirus na kumakalat sa Britanya.

Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, ang mga Pilipinong uuwi ng bansa ay dadaaan sa Bureau of Quarantine (BOQ) at sa One Stop Shop.


Ang lahat ng iba pang pasahero ay nanggaling sa UK sa nakalipas na 14 na araw ay hindi maaaring pumasok sa Pilipinas hanggang sa susunod na linggo.

Ang mga biyaherong nagmula sa UK na dumating bago ipinatupad ang restriction ay papayagang makapasok pero kailangang sumailalim sa testing at quarantine.

Ipinag-utos din ni Morente sa immigration officers na mahigpit na inspeksyunin ang mga pasaporte para malaman ang mga sakop ng temporary ban.

Paglilinaw din ng BI na pwede pa ring bumiyahe patungong UK basta mayroong round trip ticket ang mga pasahero para sa short-term visa holders, travel at health insurance, at signed declaration na alam ng pasahero ang banta ng pagbiyahe sa gitna ng pandemya.

Facebook Comments