Umabot na sa 599 na mga Pilipino sa Sudan na nakauwi na rito sa Pilipinas, habang mayroon pang 71 ang patuloy na nananatli sa Port of Sudan.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Usec. for Migrant Worker Affairs Eduardo de Vega na ang 71 na mga Pilipinong nasa Port of Sudan ay naghihintay na lamang ng plane ticket.
Pero, tiniyak ni De Vega na sa loob ng linggong ito ay makauuwi na ang mga Pilipinong ito rito sa bansa.
Wala na rin aniyang mga Pinoy ang naiipit pa sa Cairo dahil ang exit point na aniya ngayon ay ang Port of Sudan.
Mayroon na rin aniyang mga commercial flight at commercial vessel na dumadaan sa Jeddah at marami na sa kanila ang pauwi na rin.
Kamakalawa aniya ay mayroon nang 38 ang nakaalis sa Port of Sudan kasama ang isang cancer patient na inaalagaan ngayon sa Jeddah at hinihintay mabigyan ng medical clearance bago makauwi rito sa bansa.
Sa ngayon tuloy-tuloy lamang aniya ang repatriation program at naghihintay pa sila ng mga Pinoy na gusto pang umuwi.
Sa mga susunod na araw ay inaasahang may mga daragdag pa na magsasabi na rin ng interes na makauwi rito sa Pilpinas.