Mga Pilipinong ni-repatriate mula Grand Princess Cruise Ship, nasa bansa na at isasailalim na sa quarantine

Dumating na sa bansa ang mga Pilipinong pasahero ng MV Grand Princess Cruise Ship.

Lumapag kaninang madaling araw sa Haribon Hangar sa Clark Airbase sa Pampanga ang chartered plane lulan ng 444 Pilipino, kung saan 438 ay crew members, habang anim ang pasahero.

Ayon sa Department of Foreign Aaffairs (DFA) Asec. Ed Meñez, binigyan ang mga Pilipino ng health clearances bago payagang makauwi ng bansa mula San Francisco, California.


Ang repatriates ay dumaan sa screening ng US Department of Health and Human Services.

Ang mga pinauwing Pilipino ay sasakay ng chartered buses at sasailalim muli sa dalawang linggong quarantine sa Athletes’ Village sa New Clark City sa Capas, Tarlac.

Samantala, 13 Pilipino mula sa cruise ship ang nagpositibo sa COVID-19 at inilagay sa health facilities sa US, habang ang natitirang 91 Filipino crew members ay nagboluntaryong manatili sa barko.

Facebook Comments