Pinaalalahanan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga pilipinong tutungo ng bansang South Korea hinggil sa ipinapatupad na paghihigpit sa pagdadala ng mga alagang hayop at meat products.
Ayon sa embahada ng Pilipinas sa South Korea, kinakailangan na ideklara ng mga pasahero ang mga bitbit na mga hayop o kaya meat products pagsapit sa mga paliparan at pantalan sa nabanggit na bansa.
Nabatid na ang sinumang hindi makakasunod sa naturang utos ay maaaring mapatawan ng multa at kung hindi naman makakabayad ay posibleng hindi pahintulutang makapasok sa South Korea.
Ipinaalala pa ng embahada na noong October 2019 ay may isang pasahero ang limang taong hindi pinayagan makapunta ng south korea matapos na hindi nakapagbayad ng multa makaraang magdala ng pork sausage sa airport.
Payo naman ng embahada ng Pilipinas na kung pupunta ng South Korea bilang turista, manggagawa o residente. Mas maigi nang huwag magdala ng mga alagang hayop at meat products upang huwag nang maabala.
Huwag na din daw tangkain pang magpalusot ng mga maliliit na meat products dahil ang lahat ng mga bagahe ay dadaan sa masusing security screening sa mga airports.