Mga pinaghihinalaang suicide bomber sa Central Mindanao, isinasailalim sa profiling ng militar

Hindi na tumitigil ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagsasagawa ng profiling sa mga pinaghihinalaang suicide bomber sa Central Mindanao.

Ito ay matapos na kumpirmahin ng PNP at AFP na isang Pilipino ang isa sa suicide bomber sa nangyaring pagsabog sa isang military camp sa Indanan, Sulu.

Ayon kay Western Mindanao Command Chief, Lieutenant General Cirilito Sobejana – puspusan ang kanilang profiling dahil base sa kanilang monitoring mayroong mga Pinoy ang hinahasa ngayon ng mga ISIS para maging suicide bomber.


Bagamat aniya wala silang eksaktong bilang kung ilan ang sinasanay ngayon ng ISIS kinumpirma niyang nangyayari ang training sa lalawigan ng Sulu kung saan malakas ang puwersa ng Abu Sayyaf Group (ASG) na konektado na rin sa ISIS.

Wala rin aniya silang idea kung kailan nagsimulang magsanay ang mga ISIS ng mga Filipino suicide bomber pero nagsimula aniya ang mga matitinding pagsabog sa Central Mindanao taong 2002 pa.

Sa ngayon malaki aniya ang posibilidad na may magaganap pang suicide bombing sa bansa lalo na sa Mindanao pero ginagawa nila ang lahat ng stratehiya upang mapigilan ito.

Hiling din ng militar ang kooperasyon ng publiko para mapigilan ang paglaganap ng terorismo.

Facebook Comments