Naalarma ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa nauusong bentahan ng mga buhay-ilang na halaman.
Ito ang pinagkakakitaan ng ilan sa harap ng matamlay na ekonomiya dulot ng pandemya.
Dahil dito, hinikayat ng DENR, partikular ang mga naninirahan sa ilang na lugar sa Region-7, na iulat ang kilos ng illegal poachers at collectors ng wildlife, ito man ay halaman o hayop sa ilang.
Ayon kay DENR 7 Regional Executive Director Paquito Melicor, may katapat na kaparusahan ang ganitong aktibidad sa ilalim ng Republic Act 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Sa ilalim nito, pagkakakulong ng mula dalawa hanggang apat na taon at multang P30,000 hanggang P100,000 ang nag-aantay na parusa para sa paghuli at pagbenta ng wildlife plants.
Pinababantayan na ng DENR sa Wildlife Enforcement units nito ang mga pantalan at paliparan sa Central Visayas upang matiyak na walang mangyayaring pagpupuslit ng wildlife species.
Payo ng ahensya, huwag tangkilikin ang ganitong aktibidad upang makatulong na mapigilan ang tuluyang pagkaubos ng mga pinapangalagaang halamang-ilang.