Siniguro ng pamahalaan na hindi maibebenta ng mahigit 600,000 magsasaka ang mga lupang ibinigay na sa kanila ng gobyerno.
Ginawa nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado Estrella III ang pirmahan kanina ng Republic Act No. 11953.
Sa pamamagitan ng batas na ito, buburahin na ang lahat ng utang at mga multa ng mga magsasaka o mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs).
Ayon kay Agrarian Reform Secretary Estrella III nagkaroon na aniya sila ng information campaign patungkol dito para sa daan-daang libong benepisyaryo at sinabing hindi maaring ibenta sa iba ang ibinigay ng lupain sa loob nang sampung taon.
Kapag napatunayan aniya na may nagbenta ng lupa nang wala pang sampung taon ay babawiin ito at ibibigay sa ibang benepisyaryo.
Sa panig naman ni Pangulong Marcos Jr., sinabi nitong ang nangyayari noon naibebenta ng mga magsasaka ang kanilang lupa kapag walang mautangan, walang murang binhi at abono kaya ang resulta walang pambayad ng amortisasyon.
Kaya naman sa pagkakataon aniyang ito ay magkakaroon ng patuloy na suporta ang mga benepisyaryong ito sa pamahalaan, partikular ang pautang, murang binhi at abono.
Ito ay upang makatulong sa sektor ng agrikultura at makakagaan sa buhay ng mga magsasakang benepisyaryo.