Tuesday, February 17, 2026

Mga pinangalanan ng ICC na umano’y kasabwat sa war on drugs, hindi pa hihigpitan ng pamahalaan — Malacañang

Huwag magtago at harapin ang kaso!

Ito ang panawagan ng Malacañang sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng pamahalaan na pinangalanan ng International Criminal Court o ICC na umano’y kasabwat sa madugong war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Palace Press Officer at PCO Usec. Claire Castro na walang dahilan para umiwas kung walang kasalanan dahil mas lalo lamang lalakas ang hinala laban sa kanila.

Sa kabila nito, nilinaw ng Malacañang na wala pang nakikitang dahilan ang pamahalaan para higpitan o bantayan ang mga pinangalanan dahil wala pang inilalabas na arrest warrant ang ICC.

Samantala, pumalag naman ang Palasyo sa paratang ng PDP-Laban na ginagamit umano ng administrasyon ang isyu sa ICC upang ilihis ang atensyon ng publiko sa flood control scandal.

Hindi aniya maituturing na diversionary tactics ang usapin dahil matagal na umanong naisampa ang kaso sa ICC , bago pa man maupo sa pwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Facebook Comments