Umakyat na sa 102,519 Overseas Filipino Workers (OFW) ang nakauwi na sa bansa sa loob ng limang buwan mula nang pasimulan ang Repatriation Program ng gobyerno dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) pinakahuling napauwi sa bansa ang 12,022 OFW nitong mga nagdaang araw.
Paliwanag ng DFA, sa mahigit isang daang libong Repatriates mula Pebrero, 42.8% o 43,893 OFWs ay mga sea-based at 57.2% o 58,626 naman ang land-based.
Kabilang sa mga dumating sa bansa kahapon ay mula sa Netherlands, New Zealand, Qatar, Saudi Arabia, UAE, at USA.
Tiniyak pa ng DFA na magpapatuloy ang kanilang pagpapauwi sa mga stranded OFW mula sa iba’t ibang bansa sa gitna ng hamon dulot ng COVID-19 related lockdowns at travel restrictions.
Samantala, base sa huling update ng DFA, nadagdagan pa ng anim na OFWS ang namatay sa Middle East dahil sa COVID-19 para sa kabuuang 653 deaths ,31 din na kumpirmadong kaso ang nadagdag sa kabuuang 9,239 mula sa US, Asia and the Pacific at Middle East.
Mayroong 23 bagong recoveries din ang naitala ang DFA para sa 5,410 na kabuuang bilang.