Mga pinoy athletes na lumahok sa Sea Games, hiniling na bigyang parangal sa Senado

Pinabibigyan ni Senator Jinggoy Estrada ng parangal ang mga atletang Pinoy na lumahok sa katatapos na 33rd SEA Games sa Thailand.

Sa inihaing Senate Resolution 210, binigyang pagpupugay ni Estrada ang lahat ng mga atletang Pilipino sa SEA Games, nanalo man o hindi.

Pang-anim ang Pilipinas sa overall standing at pang-apat sa dami ng mga medalya na nakakuha ng 50 gold, 73 silver, at 154 bronze medals.

Iginiit ni Estrada na nararapat lamang na parangalan ang lahat ng mga atletang Pinoy dahil ang bawat medalyang nakamit ng mga ito ay may kaakibat na matinding sakripisyo.

Ilan sa mga atletang Pinoy na nagpamalas ng husay sa Thailand sina Alex Eala sa Tennis, EJ Obiena sa Pole Vault, Sisi Rondina, Bernadeth Pons, Dij Rodriguez, at Sunny Villapando sa Beach Volleyball.

Gayundin ang Swimmer na si Kayla Noelle Sanchez, Blu Boys at Girls at ang 11-year-old na si Mazel Paris Alegado na gumawa ng kasaysayan bilang pinakabatang nakakuha ng Gold sa skateboarding.

Dagdag pa rito ay naging matagumpay din ang pagdepensa ng Gilas Pilipinas sa korona nito laban sa Thailand sa larangan ng basketball.

Facebook Comments