Mga Pinoy mula Israel na napauwi ng pamahalaan, umabot na sa mahigit 1-K

Inihayag ng Philippine Embassy sa Israel na umabot na sa kabuuang 1,468 ang mga Pilipinong natulungan ng DMW-OWWA Team ng Embahada na makauwi ng Pilipinas simula pa October 2023.

Ayon sa Embahada, kasama na rito ang bagong batch na binubuong 28 pang mga kababayan ang nakauwi na sa Pilipinas nitong mga nakaraang araw sa ilalim ng voluntary repatriation program ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Hinimok naman ng Embahada ang mga kababayang Pinoy na sumailalim sila sa reintegration programs para sa kanilang pag-uwi, tulad ng skills retooling, entrepreneurship training, at psychosocial counselling.

Samantala, pinasalamatan naman ni Ambassador Aileen Mendiola ang ating mga kababayan sa kanilang mga sakrispisyo sa Israel upang itaguyod ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas.

Sa ngayon, nasa 134 Overseas Filipino Workers (OFWs) na ang nag-undergo ng voluntary repatriation dahil sa Israel-Iran conflict.

Facebook Comments