Mga Pinoy, posibleng mabigyan na ng bakuna laban sa COVID-19 sa Disyembre; pinakamahirap na mamamayan, uunahin ayon kay Pangulong Duterte

Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaari nang bumalik sa normal ang pamumuhay ng mga Pilipino sa Disyembre, sa oras na mailabas na ang bakuna laban sa COVID-19.

Sa briefing sa Malacañang, nanawagan si Pangulong Duterte sa mga Pilipino na magtiis ng kaunti dahil sa Disyembre ay maaaring ilabas na ang bakuna laban sa nasabing virus.

Tiniyak ng Pangulo na magiging prayoridad ng bansang China ang Pilipinas sa sandaling maging available na ang bakuna.


Binasa pa ng Pangulo ang bahagi ng pahayag ng isang opisyal ng China sa press conference noong July 28, 2020 na nagsabing ang Pilipinas ay “close neighbor” at kaibigan ng China kaya prayoridad ito sa bakuna.

Ayon kay Pangulong Duterte ang China ang nangunguna sa mga bansa na nagde-develop ng bakuna laban sa COVID-19, kasunod ang US at Britain.

Kasabay nito, siniguro ng Pangulo na ibibigay ng libre para sa mga pinakamahihirap na Pilipino ang bakuna laban sa COVID-19.

Sunod aniyang prayoridad sa bakuna ang nasa ‘middle income’ at gagawin ding agad na available sa mga ospital ang bakuna.

Sinabi rin ng Pangulo na ang mga mayayaman ay hindi na dapat umasa ng libreng bakuna sa gobyerno habang hindi naman bibigyan ng bakuna ang mga adik sa droga dahil wala siyang pakialam sa mga ito.

Facebook Comments