Maaari nang bisitahin ng mga Pinoy kahit walang visa ang sikat na Jeju Island at Yangyang sa South Korea simula ngayong araw, June 1, 2022.
Ito ay matapos inanunsiyo ng Embahada ng Korea sa Pilipinas sa kanilang Facebook page na pwedeng manatili nang hanggang 30 araw ang mga Filipino tourist sa Jeju Island na pwedeng mapuntahan sa pamamagitan ng direct flights.
Sa kabila niyan, hindi naman papayagan ang mga turistang Pinoy na magpunta sa ibang rehiyon sa labas ng isla.
Samantala, ang mga pupunta naman sa Yangyang ay dapat na naka-group tour program kung saan pwede sila manatili nang hanggang 15 araw.
Pwede rin silang mamasyal sa Gangwon Province at Seoul Metropolitan Area pero dapat na sa Yangyang International Airport pa rin sila sasakay pauwi ng Pilipinas.
Ayon sa Korean Embassy, umaasa silang mas mapapalakas ng visa-free entry ang “people-to-people exchange’ sa pagitan ng Korea at Pilipinas.
Noong 2019 nang ilunsad ng Korean Embassy ang three ways to enter Korea kahit walang visa pero kinansela ito noong Pebrero 4, 2020 dahil sa COVID-19 pandemic.