
Pinaalalahanan ng Philippine Embassy sa Bahrain ang mga Pilipino doon na iwasan ang pagkuha, pamamahagi o pag-live-stream sa mga online platforms ng mga hindi awtorisadong videos ng mga insidente at content na may kinalaman sa tensyon sa Middle East.
Kasunod ito ng babala ng mga lokal na awtoridad sa nasabing bansa na ang pagkuha at pamamahagi ng mga hindi awtorisadong videos at content ay iligal at maaaring magdulot ng panganib sa publiko.
Nagbabala rin ang local authorities ng Bahrain na may katapat na parusa ang paglabag sa umiiral na cyber laws sa Kingdom.
Iginiit din ng Kingdom of Bahrain na mahigpit ang kanilang pagpapatupad ng nasabing batas bilang pagbabantay sa kanilang pambansang seguridad at para mapanatili ang kaayusan.
Pinapayuhan din ng Philippine Embassy ang mga Pinoy sa nasabing bansa na manatili na lamang na mapagmatyag at maging responsable sa kanilang mga post sa social media.










