Nagpaalala na rin ang Philippine Embassy sa Canada sa mga Pilipinong uuwi ng Pilipinas na iwasan ang connecting flights.
Sa halip ay kumuha ng ticket na direct flight sa Pilipinas para maiwasan na ma-stranded.
Dumarami na rin kasi ang mga Pinoy na stranded ngayon sa Incheon International Airport sa South Korea.
Ito ay dahil sa hindi sila pinasakay ng eroplano patungo ng Pilipinas kapag paso na ang kanilang swab test result.
Obligado kasi ang mga pasaherong papasok ng Pilipinas na magpakita ng negatibong resulta ng kanilang RT-PCR test na ginawa sa loob ng 48 na oras.
Kapag inabutan ng 48 hours ang pasahero sa Incheon International Airport, walang swab testing facilities doon para sa transit passengers.
Bunga nito, mapipilitan ang pasahero na bumalik ng Canada o ‘di kaya ay maghanap ng ibang bansa na may RT-PCR testing facilities.
Una na ring iniulat ng Philippine Embassy sa Muscat na maraming Returning Overseas Filipinos (ROFs) sa Kuala Lumpur International Airport Terminal 1 sa Malaysia ang stranded dahil hindi pinapayagan ang mga pasahero doon na lumipat ng Terminal 2 para sa connecting flights.