Mga Pinoy sa Gaza, iginiit ni Sen. Hontiveros na mabigyan din ng humanitarian aid

Hinimok ni Senator Risa Hontiveros ang Department of Foreign Affairs (DFA) na makiisa sa panawagan para pasukin ang Gaza na pinabagsak ng nangyaring giyera sa pagitan ng Israel at Hamas group.

Ito ay para pagkalooban ng humanitarian aid ang Gaza lalo’t maraming Pilipino ang namuhay na sa Palestine.

Panawagan ni Hontiveros, tulungan ng pamahalaan ang ating mga kababayan pati ang lugar na kanilang naging tahanan sabay apela na walang sinumang tao ang nararapat na mahirapan dahil sa nangyayaring karahasan.


Umapela rin ang senadora sa pamahalaan sa pamamagitan ng DFA na tiyaking ang mga humanitarian corridor tulad ng Rafah crossing kung saan itinatawid ang mga tulong ay mananatiling bukas para sa ligtas na pagpasok ng mga humanitarian aid at pagtawid ng mga sibilyan.

Sinabi pa ni Hontiveros na higit na nakakakilabot ang sitwasyon ngayon sa Gaza at bilang isang ina ay hindi niya maipaliwanag ang sakit na makita ang mga inosenteng bata na apektado ng giyera.

Pakiusap pa ng mambabatas, gawin ng gobyerno ang lahat ng kinakailangan para magarantiyahan ang karapatan ng mga tao na mabuhay.

Sa huling report ng DFA, mayroong 131 na mga Pilipino sa Gaza na binubuo ng mga kababaihang nakapagasawa ng Palestinian, kabilang ang mga anak at apo.

Facebook Comments