Mga Pinoy sa Hong Kong, pinayuhan ng DFA na mag-ingat

Pinayuhan ngayon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Pilipino sa Hong Kong na mag-ingat at umiwas na din sa mga lugar kung saan nagsasagawa ng malawakang protesta.

Sa inilabas na pahayag ng Philippine Consulate General sa Hong Kong, malapit lamang sa kanilang tanggapan ang isinasagawang protesta at  ang mga demonstration areas ay naka-concentrate sa labas ng central offices ng gobyerno partikular sa Legislative Complex, Admiralty at Tamar Park.

Pinayuhan din ng Consulate General ang kapwa Pinoy na ire-schedule na lamang ang kanilang transakyon sa konsulada pero kung kinakailangan at emergency ay maaari silang magtungo pero mag-dobleng ingat.


Maging ang Filipino community sa Hong Kong ay dapat din daw na nakatutok sa mga nangyayari habang patuloy naman ang monitoring ng consul general kung saan handa silang magbigay ng tulong at maglabas ng abiso.

Nabatid na ang ginagawang malawakang protesta sa Hong Kong ay dahil sa kontrobersyal na panukalang batas na magbibigay-daan ng extradition sa mainland China.

Facebook Comments