Mga Pinoy sa Libya pinag-iingat kahit na bahagyang humupa ang tensyon

Pinag-iingat pa rin ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Overseas Filipino Workers (OFWs) kahit humupa na ang tensyon mula sa mga labanan at bumalik na sa normal ang sitwasyon sa Southern Tripoli sa Libya.

Ayon sa DFA, kahit saan kapag may mangyari na labanan, palaging may panganib sa mga inosenteng sibilyan na matamaan at masugatan sa crossfire o maging biktima ng indiscriminate shelling o pambobomba.

Payo ng DFA sa mga Filipino doon, gawin lahat ng kinakailangan paghahanda at pag-iingat, manatili sa loob ng tahanan at iwasan ang pagpunta sa mga lugar na idineklara na hindi ligtas o may banta ng kaguluhan.


Sinabi pa ng ahensya na ang pinakaligtas na lugar sa panahon na may labanan ay sa loob ng bahay, pinakamainam daw na gawin ay i-anticipate ang mga labanan at lumipat sa ibang distrito ng lungsod ng Tripoli bago pa man sumiklab ang gulo.

Dapat din daw maging aware ang mga Filipino medical staff na mayroong mga armadong pag-atake din sa mga ospital.

Una rito, kinondena ng World Health Organization (WHO) Libya Office ang armadong pag-atake sa Al Jalaa Hospital sa Benghazi na naging sanhi ng takot at anxiety o pagkabalisa sa mga pasyente at medical staff at pagkasira sa physical infrastructure ng ospital, sinalakay din ng armadong kalalakihan ang Al-Jalaa Hospital sa Tripoli.

Tinatayang mayroon 3,500 Filipinos sa buong Libya base sa rekord ng Embassy, sa nabanggit na bilang 1,850 Filipinos ang nasa Tripoli capital city area.

Facebook Comments