Pinayuhan ang mga Pilipino sa Moscow na mag-ingat at huwag munang maglakbay kasunod ng planong pagpapabagsak ng Wagner group sa military leadership ng Russia.
Sa abiso na inilabas ng Embahada ng Pilipinas sa Moscow, naglagay na ng “counter-terrorism” measures si Moscow Mayor Sergey Sobyanin sa buong lungsod kung saan bawal muna ang mga pagtitipon at hinigpitan na rin ang daloy ng trapiko.
Nagpaalala rin ang Embahada sa mga Pilipino na sundin ang mga local advisories at maging maingat kapag nasa mga mataong lugar at iwasang mag-post ng mga political comments sa social media.
Hinihiling rin ng Embahada sa mga Pilipino na ipaalam sa kanila ang kanilang mga kalagayan, partikular sa Rostov-on-Don, Belgorod at iba pang lugar malapit sa border ng Russia at Ukraine.
Batay sa impormasyon umalis na sa Rostov-on-Don ang Wagner Group matapos ang halos 24-oras nang magtangka ng rebelyon ang grupo.
Ayon sa pinuno ng grupo na si Evgeny Prigozhin, inutusan nito ang mga sundalo nito na bumalik sa Ukraine upang iwasan ang pagdanak ng dugo.
Samantala, papunta na ng bansang Belarus si Prigozhin, upang maging exile at hindi na papatawan ng kasong kriminal at hindi na rin kakasuhan ang mga Wagner fighters na sumama sa nasabing pagkilos.