
Nagbabala ang Philippine Embassy sa South Korea kaugnay ng ibababang desisyon bukas, April 4 ng Constitutional Court of Korea sa impeachment case ni South Korean President Yoon Suk-Yeol.
Ayon sa embahada, inaasahang magkakaroon bukas ng mga malawakang kilos-protesta doon kaya pinapayuhan ang lahat ng Pilipino na iwasan ang mga lugar kung saan gaganapin ang mga demonstrasyon.
Pinag-iingat din ang mga Pinoy at pinapayuhang maging mapagmatyag habang nasa labas.
Ayon sa abiso ng Seoul Metropolitan Government (SMG), magpapatupad sila ng mga hakbang bilang pag-iingat.
Kabilang dito ang pagdedeklara sa mga distrito ng Jongno-gu at Jung-gu bilang Special Crime Prevention Zones.
Magkakaroon din ng mga restriksyon sa trapiko sa paligid ng Constitutional Court at pansamantalang isasara ang mga kalapit na palasyo, museo, at paaralan.
Ang Anguk Station (Subway Line 3) naman ay pansamantalang isasara din, at hindi hihinto ang mga tren sa istasyong sa mga nabanggit na lugar.
Asahan din ang posibleng pagsasara sa iba pang mga kalapit na istasyon ng subway nang walang paunang abiso, depende sa magiging sitwasyon bukas.
Pinapayuhan din ng Philippine Embassy ang mga Pinoy roon na makipag-ugnayan sa kanila kapag may emergency na pangangailan.