Mga Pinoy seafarers, pinayuhan na mag-ingat sa mga bubuksang materials sa kanilang mga electronic device kapag nasa territorial waters ng Estados Unidos

Pinayuhan ni Senate Committee on Migrant Workers Chairman Raffy Tulfo ang mga Pilipinong seafarers na sakay ng barkong papasok sa US territorial waters na maging responsable sa paggamit ng mga electronic device.

Ito ay kasunod ng ginagawa ng mga tauhan ng US Customs and Border Patrol na pagsalakay sa mga barko na nakadaong sa kanilang mga teritoryo matapos ma-detect ang pagbubukas o pag-download ng mga babasahin o panoorin na may pornographic content.

Nito lamang Hulyo ay pwersahang pinaalis at pina-deport ang 21 Filipino seafarers na tripulante ng isang barko sa Port of Norfolk sa Virginia na pinaratangan ng U.S. Customs and Border Protection (CBP) na nag-access umano ng child pornography materials.

Ayon kay Tulfo, mahigpit ngayon ang polisiya ng Amerika laban sa child pornography kaya’t ang simpleng pag- click o pag-view ay maaaring ma-detect ng CBP na magiging batayan para sila ay ma-detain at mai-deport.

Makikipag-ugnayan si Tulfo sa Department of Foreign Affairs (DFA) para pag-aralan ang paghahain ng diplomatic protest para hilingin sa Amerika na ilabas ang ebidensya na magdidiin sa mga seafarers.

Sakaling walang ebidensya ay hihilingin niya sa mga counterpart na tanggalin ang pangit na record kasama ang pag-alis sa 10-year ban sa pagpasok sa US territory.

Facebook Comments