Mga Pinutol na Narra, Kinumpiska

Benito Soliven, Isabela – Tinatayang aabot sa mahigit isang libong boardfeet ng ilegal na pinutol na Narra ang nakumpiska ng pinagsanib na puwersa ng PNP Benito Soliven at Community Environment and Natural Environment Resources Office (CENRO) Naguilian, isabela.

Batay sa panayam ng RMN Cauayan News kay PSI Joel Bumanglag, hepe ng kapulisan sa nasabing bayan, ang mga ilegal na pinutol na Narra ay itinambak sa gilid ng Pinacanauan River na nasasakupan ng Barangay Maluno Norte.

Napag alaman ng kapulisan ang naturang ilegal na pinutol na kahoy sa sumbong ng mga residente mga bandang alas kuwatro ng hapon ng Disyembre 11, 2017.


Agad nila itong nirespondehan at tumambad sa kanila ang mga piraso ng Narra flitches na nakahanda na sanang ipuslit sa pamamagitan ng Ilog Pinacanauan.

Walang umamin na magmamay-ari sa naturang mga kahoy at agad namang ikinarga ng kapulisan papunta sa tanggapan ng CENRO na nakabase sa Naguillan, Isabela.

Sa kasalukuyan ay nasa pangangalaga ng CENRO Naguillan ang mga ilegal na pinutol na kahoy at hindi na sila umaasa pa na mayroong aamin na nagmamay-ari sa naturang mga Narra.


Facebook Comments