Isinagawa ito sa pamamagitan ng dalawang araw na Executive Legislative Agenda o ELA na pinangunahan ng DILG Cauayan sa Isabela Convention Center o ICON.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Jaycee Dy Jr., isinagawa ito para muling mailatag ang mga programa at plano nito sa kanyang administrasyon para makamit ang 17 sustainable goals ng Siyudad ng Cauayan.
Ayon sa alkalde, meron itong short term at long term goals sa loob ng tatlong taon pero kung siya man ay papalarin sa mga susunod na Eleksyon ay meron din itong mga nakahandang plano sa loob ng siyam na taon o hanggang 2031 kung saan inaasahan nito mula sa bawat ahensya ng pamahalaan at iba pang tanggapan sa Lungsod ng Cauayan na matulungan siya sa pag-implementa at pagkamit sa kanyang mga gustong mangyari na angkop para sa mga Cauayeño.
Inihalimbawa ng alkalde sa kanyang short term goal ang pagkakaroon ng Digital Healthcare, farm to market road, pagpapalago sa ekonomiya ng Cauayan City at pagbibigay ng mas maraming trabaho gaya ng pagpapatayo ng Call Center.
Magpopokus naman ang bawat ahensya sa mga ibinigay na plano ng alkalde para sa kanilang pagbuo ng mga proyekto at solusyon na naka-align sa nais ng kasalukuyang administrasyon.
Ayon pa sa alkalde, nakita kasi nito sa mga naunang pagsasagawa ng ELA sa nakaraang administrasyon na kadalasan ay namamali o hindi gaanong napag-aaralan ang mga ibinibigay na project proposals ng bawat ahensya kaya lumalabas na hindi akma sa target ng administrasyon.