Para kay Senator Grace Poe, mainam na idinetalye rin sana ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang huling State of the Nation Address (SONA) ang mga plano o iiwan nitong pamana pagdating sa trabaho, edukasyon at healthcare.
Diin ni Poe, sana ay sinigurado ng pangulo ang pagkakaloob ng trabaho at pagkain dahil marami sa ating mga kababayan ang gutom at pagod na dahil pandemya.
Giit ni Poe, tiyak makakapagbangon sa dignidad ng taumbayan kung may magandang oportunidad na aasahan sila para sa kanilang kinabukasan.
Naniniwala si Poe na marami ring nag-abang na banggitin ng pangulo sa SONA kung magkakaroon ng ikatlong bugso ng ayuda dahil ang naunang dalawang beses na ayuda ay hindi sapat para sa mahigit isang taon ng COVID 19 pandemic.
Tiyak din si Poe na marami ang umasa sa pahayag ni Pangulong Duterte sa SONA ukol sa pagbabayad ng PhilHealth sa medical community at kompensasyon o benepisyo para sa ating medical frontliners.
Tinukoy din ni Poe na hindi rin nabanggit ng pangulo sa SONA ang plano kaugnay sa back-to-school program ngayong September gayundin ang pagpapahusay sa serbisyo ng internet sa bansa.