Umaasa si Senator Imee Marcos na mailalatag ng kanyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) nito ang mga plano at mga hakbang ng gobyerno para maibaba ang presyo ng mga produktong petrolyo at pagkain.
Napansin ni Senator Marcos na hanggang sa ngayon kasi ay paulit-ulit lang na ibinibida ng pamahalaan ang mga dating plano sa bansa.
Pero kung ang senadora ang tatanungin, sana ay magkaroon na raw ng programa tungkol sa pagpapababa ng “cost of living” dahil hirap na hirap na ang mga ordinaryong mamamayan sa mataas na mga presyo ng bilihin at serbisyo.
Hiniling ni Sen. Marcos sa Pangulo na makapaglatag ng programa kung papaano maiibsan ang epekto ng mataas na presyo ng gasolina, diesel, LPG at pagkain na direktang tumatama sa mga mahihirap.
Aniya, kitang-kita ang kabawasan sa pagkain sa hapag ng mga mahihirap na kababayan dahil sa pagkataas-taas na presyo ng mga bilihin.
Umapela rin ang mambabatas na makabuo rin ang pamahalaan ng programa para sa job generation na makakatulong para makaagapay sa pang-araw-araw na pamumuhay ng isang pamilya.