Inilatag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga plano para mapataas ang produksyon ng isda sa bansa, at mabawasan ang pangangailangan ng Pilipinas sa pag-aangkat nito.
Ito ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles ay bilang pagsunod na rin sa mga polisiya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na siguruhin ang pagkakaroon ng food security sa bansa.
Sinabi ng kalihim, prayoridad ng BFAR ang pagsasamoderno at pagkakaroon ng mga innovation sa fishery sector.
Bumubuo na aniya ng plano ang tanggapan, para paigtingin pa ang mga kasalukuyang programa.
Sa ganitong paraan matutugunan ang projected na taunang kakulangan ng bansa sa supply ng isda, na tinatayang nasa 44, 000 metrikong tonelada para sa taong ito.
Kasama sa mga planong ito ang pagu-upgrade sa National Fish Broodstock Development Program, sa pamamagitan ng pagsasama na sa high-value species.
Pag-develop ng cold chain program sa island municipalities at pagpapalawak ng paggamit ng fish aggregating devices, sa mga strategic fishing areas sa bansa.