Nakatanggap ng panibagong 150 na mga quality helmets ang mga tauhan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa Region 1 at Cordillera Region.
Ang mga helmet ay nanggaling kay dating HPG Director at ngayon ay Directorate for Police Community Relations (DPCR) Director Major General Dionardo Carlos.
Ipinamahagi nila ang 150 na mga bagong helmet nitong nakalipas na weekend.
Ayon kay Carlos, nangako siya noon sa mga HPG riders na magbibigay ng dagdag na gamit para sa kanilang proteksyon tuwing ginagawa ang kanilang trabaho, ito ay ang mga kalidad na helmets.
Pero dahil tatlong buwan lamang siya sa pwesto bilang HPG Director at agad nalipat sa Directorate for Information and Communications Technology Management (DICTM) at nagkaroon ng COVID-19 pandemic, naantala ng matagal ang mga biniling helmet mula sa Bikerbox Inc.
Aniya, February 2020 dumating ng Pilipinas ang Zeus helmets pero dahil sa lockdown, buwan na ng May hanggang June na ito nai-proseso ng Department of Trade and Industry (DTI).
Sinabi ni Carlos na nag-ipon siya ng pondo para makabili ng mga helmet katuwang ang Bikerbox Inc.