Manila, Philippines – Tutukuyin ng oversight committee ng Philippine National Police ang mga PNP officials na hindi ginawa ang kanilang trabaho para matigil ang operasyon ng iligal na sugal sa kanilang area of responsibility.
Ayon kay PNP Chief Dir. Gen. Ronald Bato Dela Rosa, magpupulong sa Huwebes ang oversight committee kaugnay sa kampanya kontra iligal na sugal para magsagawa ng assessment.
Ito ay kaugnay sa nalalapit na pagsapit ng 15 araw na deadline na itinakda ng PNP chief sa kanyang mga Regional directors na ipatigil ang lahat ng illegal gambling operations sa kani-kanilang areas of responsibility.
Matatandaang noong July 31, nagbanta si Dela Rosa na ang mga Regional directors na hindi makakatupad sa 15 araw na deadline ay masisibak sa pwesto.
Kasabay noon, binigyan din ni Dela Rosa ang mga Regional directors ng kapangyarihan na tanggalin sa pwesto ang mga provincial directors, na hindi aaksyon kontra illegal na sugal.
Ang mga provincial directors naman ay binigyan din kapangyarihan na sibakin ang mga chiefs of police na walang maipapakitang accomplishment sa anti-gambling campaign.