Manila, Philippines – Hiniling din ni House Ways and Means Committee chairman Joey Salceda na ipagbawal ang mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa kung hindi magbabayad ang mga ito ng buwis.
Ang pagsuporta ni Salceda ay kasunod ng rekomendasyon ni House Minority Leader Bienvenido Abante Jr. na huwag pahintulutan ang POGO kung tutol ang mga ito na magbayad ng kanilang buwis.
Ayon kay Salceda, kung hindi rin lang sila bubuwisan ay huwag na lang payagan ang operasyon ng POGO.
Kaugnay nito ay naghain si Salceda ng House Bill 5267 na layong magpataw ng 5% na franchise tax sa POGO kung saan inaasahang aabot sa P20 billion ang kikitain ng pamahalaan sa loob ng isang taon.
Sisingilin din ng withholding tax ang mga empleyado ng POGO at target na makalikom ng P24 billion sa loob ng 12 buwan gayundin ang paniningil ng corporate income tax na aabot naman sa P1 billion.
Direkta na rin aniyang mapupunta sa BIR ang mga buwis na makokolekta mula sa POGO at mga empleyado nito.
Nabatid na noong 2017, P175 million lamang ang nokolekta ng BIR mula sa mga POGO, P579 million noong 2018, at mula nitong Enero hanggang Setyembre naman ay nasa P1.8 billion pa lamang ang nakokolektang buwis.