Mga POGO, posibleng may mga tao na rin sa mga Korte kaya natitimbrehan sa mga raid ng mga awtoridad

Pinaghihinalaan ni Senator Sherwin Gatchalian na may mga tao na rin hanggang sa Korte ang mga POGO sa bansa.

Kaugnay na rin ito ng posibleng leak sa pagsalakay ng mga awtoridad sa POGO sa Porac, Pampanga kung saan mistulang natunugan ng mga dayuhang empleyado doon ang welfare check na gagawin ng mga enforcers matapos na makatanggap ng reklamo patungkol sa human-trafficking at prostitution.

Ayon kay Gatchalian, batay sa impormasyon na kanyang natanggap, ang Lucky South 99 ay may sitting capacity na mahigit 1,000 agents ibig sabihin nasa 1,000 ang mga trabahador sa nasabing POGO pero nasa mahigit 150 lang ang nahuli ng mga awtoridad at nagsi-alisan na ang marami sa mga foreign nationals bago pa man makarating ang mga law enforcers.


Posible aniyang may nag-tip ng impormasyon sa mga operators ng POGO nang maghain ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ng search warrant sa Korte kaya tumakas ang mga nagtatrabahong dayuhan.

Dahil dito, naniniwala si Gatchalian na hindi lang sa law enforcement agency may tao ang mga POGO kundi mayroon na rin silang mata at tenga sa judiciary.

Facebook Comments