Sinimulan na ng Philippine National Police (PNP) ang pag-recall ng lahat ng mga pulis na naka-talaga bilang security escort sa mga politikong tatakbo sa darating na halalan.
Ayon kay PNP Chief Lt. Gen. Dionardo Carlos, ang hakbang na ito ay dahil kailangan munang mag-apply ng exemption sa Commission on Elections (Comelec) ang mga politiko at patunayang may banta sa kanilang buhay.
Kailangang may pahintulot na aniya sila mula sa Comelec bago sila bigyan ng security detail ng Police Security Protection Group.
Paalala naman ng PNP chief sa mga pulis na maitatalaga sa mga kandidato na ang kanilang papel ay magbigay lang ng seguridad at hindi tumulong sa kampanya.
Payo ng PNP chief sa mga pulis na istriktong pananatilihin ang pagiging “neutral” sa eleksyon.
Nanawagan naman si Carlos sa publiko na isumbong sa PNP kung may makikita silang mga pulis na hayagang mangangampanya para sa sinumang kandidato.