Ibinigay na ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde sa Comelec ang pormal na rekomendasyon na tanggalan ng Police Security detail ang mga politikong nasa narco-list ng Pangulong Duterte.
Ngunit nilinaw ni Albayalde na ang tatanggalin lang ay ang pulis na nagsisilbing personal na body Guard ng naturang mga politiko at hindi ang mga pulis na nakadeploy sa mga lugar kung saan may aktibidad ang kandidato.
Ayon sa PNP Chief, una na nilang inalis noong nakaraang Enero ang lahat ng mga pulis na naka-assign bilang personal na body Guard ng mga politko, pero merong mga humingi ng exemption dahil sa banta sa kanilang buhay na pinagbigyan ng PNP.
Paliwanag ng PNP Chief, ang ipinagkaloob na Security ng PNP sa mga politikong ito ay pribilehiyo at hindi karapatan ng mga politko kaya maaring tanggalin.
Susunod naman aniyang tatanggalan ng PNP ng Security ay ang mga politkong nagbabayad ng revolutionary tax at permit to campaign fees sa NPA.