Lumantad ang poll watchers mula sa bayan ng Lumbatan, Lanao del Sur kung saan inirereklamo nila ang paghahablot ng balota ng mga sundalo mula sa 103rd Brigade ng Philippine Army.
Kabilang sa mga ipinakita nila ay mga video kung saan sumugod ang mga sundalo at pwersahan na kinuha ang mga balota na binabantayan ng poll watchers sa munisipyo ng Lumbatan.
Kwento ng poll watchers na sina Aliah Macabangkit, inakala nila na kakampi nila ang mga sundalo at tutulungan sila sa pagbabantay sa balota.
Pero laking gulat umano ng poll watchers na kinukuha ng mga sundalo ang mga balota at kailangang dalhin sa kapitolyo.
Dito na umano nagkagulo at nakaranas ng panghahataw ng mga pamalo ang poll watchers mula sa mga sundalo.
Sapilitan umano nilang kinuha ang mga balota at tinangay patungo ng kapitolyo.
Dahil dito, nananawagan sila ng hustisya at pagpapanagot sa lahat ng nasa likod ng pangyayari.
Sinabi naman ni Atty. Bayan Balt, naghain na umano sila ng reklamo sa Commission on Elections (COMELEC) para maimbestigahan ang lahat ng may pananagutan sa insidente.
Habang pupunta sila mamaya sa COMELEC para hilingin na ipawalang bisa ang halalan sa anim na barangay kung saan nagkaroon na umano ng dayaan.
Bukas din ang kanilang kampo sa re-election sa mga nabanggit na lugar upang malaman kung sino ang dapat mahalal sa lokal na posisyon.