Hiniling ni Committee on Ways and Means Chairman at Albay 2nd District Rep. Joey Salceda sa House Committee on Transportation na magsagawa ng pagdinig ukol sa mga maaring epekto ng plano ng gobyerno na “jeepney phaseout.”
Nakasaad sa House Resolution 801 na inihain ni Salceda na layunin ng pagdinig na matalakay ang “adverse socioeconomic impacts” ng pagtanggal sa mga tradisyunal na jeep.
Para kay Salceda, ito ay mistulang pagbalewala sa reyalidad, na sa Pilipinas lalo na sa mga probinsya, ang public utility jeepneys o PUJs ay nanatiling pangunahing pampublikong transportasyon.
Diin ni Salceda, sa naturang hakbang ay nasa 11.5 million na mga pasahero ng jeep kada araw ang maaapektuhan at mapipilitang gumamit ng ibang transportasyon gaya ng siksikang railway systems, limitadong transport network vehicle service system at mga pribadong sasakyan o motor.
Babala pa ni Salceda, ang PUJ phaseout ay tiyak magreresulta sa lalo pang pagdami ng mga kotse at iba pang sasakyan na magdudulot ng higit na pagsisikip sa mga lansangan at polusyon.
Una rito ay tahasang sinabi Salceda na malupit at hindi makatao ang jeepney phaseout nang walang sapat na tulong o subsidiya mula sa gobyerno lalo’t ang mga jeepney drivers ay kabilang sa mga pangunahing nagdusa sa nagdaang tatlong taon dahil sa pandemya.